Sana

Gusto kong isipin na inilagay ako ng nasa itaas kung saan man ako nararapat. Ngunit paminsan minsan, hindi ko mapigilan na maramdaman na hindi pa ito ang panghabang-buhay kong gusto na marating. Marahil hindi ako masaya sa aking hanap-buha. Oo, aaminin ko na dahil sa aking trabaho, nakakakain ako ng masarap na mga pagkain at nakakatulog sa malambot na higaan, ngunit alam ko na hindi ako masaya sa aking ginagawa. Siguro’y dahil alam ko kung ano ang aking gusto, ngunit masyado akong takot sa hinaharap kapag aking inabandona itong trabahong nagbibigay sa akin ng kaginhawaan. Nakakatawa, hindi ba? Alam ko kung ano ang gusto ko, ngunit wala akong ginagawa. Nakakatakot kasi. Oo, duwag ako. Duwag akong tumalon at tawirin ang walang kasiguraduhan, kahit na alam kong doon lamang ako liligaya. Hindi ko rin kasi mapigilan na isipin na hindi na lamang ako ang dapat kong buhayin. Nariyan ang aking kabiyak na, kagaya ko, ay nagpapakahirap para sa kinabukasan ng aming pamilya.

Nakakalungkot na isipin na hindi ko kayang makipagsapalaran para marating ang dapat kong paroonan. Sana ay isang araw, maging matapang ako na tahakin ang walang kasiguraduhan, upang marating ko ang kaligayahan na aking inaasam.

Leave a comment